Pilit na pinalayas ang mga OFW noong tanghali ng Sabado. Makikita sa isang cellphone video ang naging komosyon ng mga OFW at ng kanilang HR sa pinapas
22 OFW sa Saudi ang pinalayas ng kanilang employer sa gitna ng kinahaharap na pandemya. Mabilis namang rumesponde ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Pilit na pinalayas ang mga OFW noong tanghali ng Sabado. Makikita sa isang cellphone video ang naging komosyon ng mga OFW at ng kanilang HR sa pinapasukan nilang restaurant. Itinulak pa ng lalaki ang isang OFW, at pilit din niyang kinukuha ang cellphone na ginamit na pangkuha ng video. Ang sabi ng kumukuha ng video ay tinapon daw ng mga HR ang gamit nila na parang basura.
Kuwento pa ng mga OFW, pinaalis umano sila sa tinutuluyang accommodation ng kumpanya dahil magsasara na raw ito, at tapos na rin daw ang kanilang kontrata sa subcontractor.
Sa isang hallway na nga sila nagpalipas ng gabi. Ayon sa kanila, mas mahirap na raw ang mahuli sa curfew na kung saan ay maaari silang magmulta ng higit P130,000.
Wala na nga raw silang matuluyan ay wala na rin silang perang panggastos dahil hindi na raw sila pinasahod simula noong Marso.
Ayon sa POLO, dapat pa ring makatanggap ang mga OFW ng 40% ng kanilang sahod, kahit tigil sa trabaho. Kinabukasan matapos ang pagpapalayas, pinuntahan agad sila ng POLO sa Riyadh. Siniguro ng POLO na susunduin sila ng kanilang agency. Nag-abot din sila ng tulong-pinansiyal upang may panustos sa pangkain ang mga OFW.
Nakikipag-ugnayan na ang Labor Office roon para habulin ang sahod ng mga OFW.
Wala na rin daw silang balak na tapusin pa ang natitirang apat na buwan bago mapaso ang kanilang kontrata.
Maghahain din daw ng complaint ang POLO laban sa mga nagpalayas sa mga OFW, dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa ilalim ng guidelines ng Ministry of Human Resource and Social Development. Hinihiling din sa POEA na i-blacklist na ang nasabing ahensya.
Patuloy pa ring nagbibigay ng food assistance at financial aid ang POLO, na nagkakahalaga ng sampung libong piso. Sa halos 400,000 na OFW sa Riyadh, nasa 19,000 ang maaaring mabiyayaan ng pinansiyal na tulong.
Source: News5
COMMENTS